-- Advertisements --

Tinaasan pa ang proposed budget na inilaan para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa taong 2023.

Base sa isinumiteng 2023 National Expenditure Program (NEP) sa House of Representatives, nasa P7.9 billion ang itinaas kaya aabot hanggang P115.6 billion ang magiging pondo para sa flagship poverty alleviation program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa dating P107.7 billion ngayong 2022.

Ipinaliwanag naman ni Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Tina Canda na mayroong target ang 4PS sa annual basis kung saan nasa 4 million ang beneficiaries at mayroon din aniyang ina-apply na compliance rate.

Bagamat kinukumpirma pa ang bilang ng mga kwalipikadong benepisyaryo sa naturang programa hindi naman aniya maaaring babaan ang pondo para sa 4Ps nang hindi mapasubo ang mga eligible na makatangap ng naturang assistance.

Paliwanag pa ni Canda na dapat na maikonsidera din ang pagtaas ng populasyon sa paglalaan ng pondo para dito.