-- Advertisements --

Tumanggi ang Makati City na ideklarang persona non grata si Gwyneth Anne Chua, ang Pilipinang tumakas sa kanyang quarantine at nakahawa sa marami sa kanyang mga nakahalubilo.

Sa halip ay hinimok ni Mayor Abby Binay ang mga business establishments at mga indibidwal na tinamaan ng COVID-19 na ireklamo si Chua matapos itong tumakas sa kanyang quarantine para pumunta sa isang party sa Poblacion, Makati.

Nabatid na apat sa 12 indibidwal na nahawaan ng COVID-19 kasunod ng superspreader event sa party na dinaluhan ni Chua ay pawang mga empleyado ng isang bar.

Kahit hindi idedeklarang persona non grata ang tinaguriang “Poblacion girl” sinabi ng alkalde na papanagutin pa rin nila ito.

Naghahanda na rin aniya ang lungsod ng reklamo laban sa hotel na pumayag kay Chua na makatakas sa quarantine nito.

Dagdag pa ni Binay, may inihahanda na rin ang Department of Tourism na kanilang sariling rekomendasyon laban sa naturang hotel, na natukoy bilang Berjaya Hotel.