Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na wala silang natatanggap na “validated intelligence” hinggil sa umano’y banta sa seguridad sa pagdiriwang ng Independence Day sa darating na Hunyo 12.
Ayon kay PNP public information officer-in-charge Col. Allen Rae Co, ibeberipika ng pambansang pulisya ang naturang ulat at tiniyak na handa silang magbigay ng update at magsagawa ng kaukulang aksiyon sa oras na ito ay maberipika.
Tiniyak din ng opisyal na nakahanda, vigilant, at “fully deployed” ang mga puwersa ng PNP para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa Araw ng Kalayaan. Magsasagawa rin ng regular deployment ng mga kapulisan sa naturang araw.
Bukod dito, may nakalatag din umanong contingency plans upang matugunan ang anumang insidente, tulad ng mga nagdaang kilos-protesta noong Setyembre 21 ng nakalipas na taon, na nauwi sa gulo.
Kaugnay nito, pinayuhan ng PNP ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon at i-beripika muna ang mga natatanggap na balita.
Samantala, kinumpirma rin ni Col. Co na nagpulong sina PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. at DILG Secretary Jonvic Remulla, kung saan tinalakay sa nasabing pagpupulong ang latag ng seguridad para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo, ang pagbibigay ng seguridad sa Senado, at ang “Safer Cities” initiative ng DILG.
















