-- Advertisements --

Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) ng agarang pagrepaso sa cybersecurity measures ng mga ahensya ng pamahalaan kasunod ng magkahiwalay na pag-atake sa mga website ng Senado at Kamara de Representantes.

Ayon sa PNP, nagsisilbing babala ang insidente na kailangang higit pang paigtingin ang seguridad ng mga digital system ng gobyerno laban sa lumalalalang banta ng cyberattacks.

Nauna nang iniulat na na-deface ang website ng Kamara noong Sabado, ilang araw matapos ding targetin ng mga hacker ang opisyal na website ng Senado. Inako ng isang grupo ng mga hacker ang responsibilidad sa mga pag-atake at iginiit na protesta umano ito laban sa katiwalian sa pamahalaan.

Bilang tugon, inatasan ng PNP Anti-Cybercrime Group na makipag-ugnayan sa mga information technology at cybersecurity personnel ng Kamara upang tumulong sa isinasagawang imbestigasyon. Makikipagtulungan din ang pulisya sa iba pang kaukulang ahensya upang matukoy ang pinagmulan, paraan at lawak ng naging pag-atake.

Tiniyak ng PNP na magsasagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng insidente alinsunod sa umiiral na mga batas laban sa cybercrime.

Binigyang-diin din ng pulisya na ang pagprotekta sa digital infrastructure ng gobyerno ay nangangailangan ng koordinadong pagkilos ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang pagpapatupad ng preventive security measures, mabilis na pagtugon sa mga insidente at patuloy na pagtutulungan ng mga institusyon.

Samantala, kinumpirma ng Senado na nakaranas ang kanilang website ng hindi awtorisadong pagbabago o defacement. Gayunman, ayon sa paunang pagsusuri, walang indikasyon na nakompromiso ang sensitibo o kumpidensyal na datos ng institusyon.

Patuloy na iniimbestigahan ng technical team ng Senado ang insidente upang matukoy ang sanhi at lawak ng naging paglabag sa kanilang sistema.