-- Advertisements --
REDRICO MARANAN

Muling binigyang-diin ng Philippine National Police na nananatili itong nakahanda sakaling bumalik nga sa Pilipinas si suspended Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.

Ito ay matapos na i-anunsyo ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inaasahang babalik na sa bansa si Teves.

Sa isang pahayag ay tiniyak ni PNP-Public Information Office chief PBGEN Redrico Maranan na nakahanda ang Pambansang Pulisya sa pagdating ni Teves sa bansa para na rin sa kaligtasan ng nasabing kongresista.

Sa ngayon kasi ay hindi pa pa maaaring arestuhin ng pulisya si Teves dahil wala pa ring inilalabas na arrest warrant laban sa kaniya.

Kung maaalala, si Teves ay isinasangkot sa kasong pamamaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo sa mismong tahanan nito.

Matatandaan din na nakakuha ng matataas na kalibre ng mga baril at pampasabog sa lugar na kaniyang pagmamay-ari matapos ang ikinasang operasyon ng mga otoridad sa isa sa kaniyang mga property.