Muling nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga private security training agencies laban sa paggamit ng larawan o anumang representasyon ng mga pulis sa kanilang mga adds at promotional materials.
Ayon sa Memorandum Advisory No. 020 na inilabas noong Mayo 27, 2025, ipinagbabawal ang paggamit ng larawan ng mga naka-unipormeng pulis o hindi naka-unipormeng pulis sa mga flyers, brochures, banners, at online posts upang maiwasan ang maling impresyon ng suporta o koneksyon sa PNP.
Pinayuhan ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ang mga training agency na tanggalin ang ganitong materyales at sumunod sa wastong paggamit ng mga police insignia at uniporme.
Nagbabala rin ang PNP na maaaring suspendihin o bawiin ang lisensya ng mga hindi susunod sa patakaran.