Wala pang nakikitang dahilan si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. para magpatupad ng gunban sa Aparri, Cagayan.
Kasunod ito ng insidente ng pananambang na ikinasawi ng bise alkalde at lima pa nitong mga kasamahan.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Azurin ang planong pagpapatupad ng suspesyon sa Permit to Carry Firearms Outside of Residence sa ilang bahagi ng lalawigan ng Mindanao matapos ang tangkang pananambang naman kay Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. kung saan nasawi ang apat na katao.
Ngunit ayon kay PNP-Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan, ito ang sinabi ng hepe ng Pambansang Pulisya ngunit kasalukuyan pa rin aniya nilang hinihintay ang magiging rekomendasyon ng mga regional directors ukol dito.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa aniya ang kanilang malalimang imbestigasyon hinggil sa naturang krimen.
Kaugnay nito ay mayroon na rin aniyang naging direktiba si PNP chief Azurin sa lahat ng mga regional directors na paigtingin pa ang kanilang ipinapairal na preventive security measures sa kanilang mga lugar.
Samantala, bukod dito ay iniulat din i Maranan na batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon ay napag-alaman sa records ng Land Transportation Office na ang plate number na nakakabit sa getaway vehicle ng mga suspek ay naka-issue sa isang sasakyan na kasalukuyang nasa compound ng Nueva Vizcaya State University at sinasabing ito ay matagal ng sira at hindi ginagamit.
Matatandaang una nang sinabi ng chief of police, Bagabag Police Station PMaj. Oscar Abrogena na patuloy ang kanilang isinasagawang hot pursuit operation at strong check points sa buong lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Aparri ukol dito at kaugnay nito ay bumuo na rin aniya ng Special Investigation Task Group ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office para tutukan ang imbestigasyon sa nasabing krimen.