Patay ang isang Pilipina sa Hawaii, USA matapos barilin ng dati niyang asawang Pilipino noong Biyernes (araw sa Pilipinas).
Batay sa imbestigasyon ng Honolulu police, bigla lamang umanong pumasok ang suspect na si Marcos Villaspir sa home care facility kung saan nagtatrabaho ang dati nitong asawa na si Imelda.
Ayon sa pulisya, matapos makita ang target nito ay kaagad na binaril ni Marcos si Imelda at pagkatapos ay binaril naman din ang sarili.
Kaagad na binawian ng buhay si Marcos, habang nagawa pang maisugod sa ospital si Imelda pero kalaunan ay namatay din.
Batay sa mga court records, noong nakaraang buwan lang nang napawalang bisa ang kasal ng dalawa sa isang “uncontested divorce” case.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung ang paghihiwalay ng dalawa ang siyang motibo sa shooting at suicide incidents.