Nagkasya lamang sa fifth-runner up ang pambato ng Pilipinas na si Katrina Llegado sa Reina Hispanoamericana 2019 pageant na ginanap sa Bolivia nitong araw ng Linggo.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ng pagent trainer na Aces and Queens ang snippet o bahagi ng announcement.
“Congratulations, Katrina Llegado for being the 5th Finalista of Reina Hispanoamericano 2019! We are so proud of you!” saad nito sa caption.
Nakuha naman ng kandidata mula Mexico na si Regina Gutierrez ang korona ngayong taon.
Orihinal na naka-schedule ang naturang beauty pageant noong Oktubre, ngunit ipinagpaliban ito dahil sa mga magulong sitwasyon sa Bolivia.
Unang sumali ang Pilipinas sa Reina Hispanoamericana pageant noong 2017 kung saan nasungkit ni Winwyn Marquez ang titulo.