BUTUAN CITY – Nagsampa na ng reklamo ang provincial government ng Agusan del Sur upang mabawi mula sa pagkaka-display sa Manila National Museum ang “na-taxiderm” ng kinilalang pinakamalaking nahuling buwaya sa buong mundo na si Lolong.
Ito ang inihayag ni Nonoc Plaza, Provincial Information Officer sa Agusan del Sur-local government unit, matapos madismaya ang mga mamamayan ng kanilang lalawigan pati na ng buong Caraga Region at lalo na sa bayan ng Bunawan.
Hindi na kasi isinauli ang buwaya na ginawan pa naman ng local museum sa Barangay Consuelo upang doon ito idi-display.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Plaza na napagkasunduan noong kinuha ang bangkay ni Lolong na isasailalim lamang ito sa forensic examination at taxidermy process upang ma-preserve bago ibalik sa lugar kung saan ito nakuha para roon tuluyang ididisplay.
Ayon pa sa opisyal, malaking kawalan sa buong rehiyon ang hindi pagpapakostudiya kay Lolong sa Bunawan, Agusan del Sur kung saan ito nakuha noong Setyembre 2011 lalo na’t makakatulong din ito sa pangkabuhayan ng mga taong nasa paligid dahil dadayuhin ito ng mga turista.