Nakapagtala ang Pilipinas ng dalawang karagdagang kaso ng monkeypox.
Dahil dito ayon sa Department of Health (DOH) umakyat na sa tatlo ang kabuuang bilang ng mga kaso.
Ang mga bagong pasyente ay nag-edad 34 at 29-anyos, na kamakailan ay may travel history sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng monkeypox.
Nagpositibo sila sa monkeypox noong Agosto 18 at Agosto 19.
Sinabi ng health officer-in-charge ng DOH na si Usec. Maria Rosario Vergeire na isinasagawa na ang contact tracing.
Nauna ng inanunsyo ng Pilipinas ang unang kaso ng monkeypox noong Hulyo 29, na kinasasangkutan ng isang Pinoy na traveler na bumalik mula sa isang bansa na may naitalang impeksyon sa monkeypox.
Mula noon ay gumaling na ang pasyente habang 10 na malapit na contacts ay hindi nag-ulat ng anumang sintomas at natapos ang isolation noong Agosto 16.
Magugunita na ang World Health Organization ay nakapagtala ng mahigit 35,000 kaso na ng monkeypox mula sa 92 bansa.
Matagal nang naging endemic ang monkeypox sa Central at Western Africa ngunit nagkaroon na ng mga outbreak sa buong mundo mula noong Mayo.
Karamihan sa mga kasong ito ay kumalat sa pamamagitan ng malapit na pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng sekswal na aktibidad.
Kasama rin dito ang direktang kontak o sa pamamagitan ng paghawak sa mga bagay o tela na ginagamit ng isang taong nahawaan ng sakit.
Ang mga unang sintomas ng monkeypox ay lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, at pananakit ng likod sa loob ng 5 araw.
Kasunod na lumilitaw ang mga pantal sa mukha, sa mga palad ng mga kamay at talampakan, na sinusundan ng mga sugat, mga batik at scabs.
Idineklara ng UN health agency noong Hulyo ang monkeypox outbreak bilang isang global health emergency.