
Sinimulan nang linisin ng Philippine Coast Guard ang mga natapon na fuels upang mapigilan ang patuloy na pagkalat nito mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro province.
Ang MT Princess Empress ay lumubog kasama ang kargamento nito na 800,000 liters ng industrial fuel oil habang ito ay naglayag sa maalon na dagat sa labas ng Naujan kamakailan.
Ayon sa Philippine Coast Guard, ang mga expert divers ay maaari lamang umabot sa 180 metrong lalim at ang Princess Empress ay maaaring nasa 300 metro sa ilalim ng naturang karagatan.
Giit pa ng grupo na ang industrial fuel oil ay nagdudulot ng mga panganib sa kalusugan tulad ng pangangati ng balat sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Dagdag pa dito, kung lumala umano ang sitwasyon, maaaring humingi na ito ng tulong sa ibang pang mga bansa tulad ng Japan o Indonesia.
Nagsagawa ng aerial inspection ang Philippine Coast Guard at napagmasdan na lumiit naman ang pagkalat ng oil spill na kung saan maaaring magpahiwatig na ang spill ay diesel fuel na nagpapagana sa sasakyang pandagat.
Una nang pinayuhan ang mga residente mula sa apat na munisipalidad sa Oriental Mindoro na iwasan ang mga aktibidad sa pangingisda dahil sa posibleng panganib ng tumagas na langis.










