-- Advertisements --


Wala pa ring nailalabas na guidelines ang PhilHealth para sa indemnification ng mga makakaranas ng adverse effects matapos na mabakunahan kontra COVID-19.

Inamin ito ng PhilHealth matapos na tanungin ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang naturang usapon sa joint hearing ng House Committees on Health at Trade and Industry.

Ayon sa PhilHealth, isinasapinal pa nila ang guidelines kasunod nang kanilang pag-aaral sa batas para rito, pati na rin sa konsultasyon nila sa mga stakeholders.

Karagdagang mandato anila ito para sa state health insurer kaya wala rin silang karanasan pagdating sa paggulong ng programang ito.


Hindi pa nila masasabi kung kailan nila mailalabas talaga ang guidelines na ito, bagay na pinalagan naman ni Brosas.

Iginiit ni Brosas na delikado ito lalo pa at nauna ang rollout ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan kaysa ang paglalabas ng guidelines para sa indemnification ng mga makakaranas ng adverse effects ng bakuna.

Magugunita na Marso nang sinimulan ng pamahalaan ang rollout ng COVID-19 vaccination program kasunod nang pagdating sa bansa ng mga donasyon ng China na Coronavac.