Ibinunyag ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon na nagpuslit ng cellular phone (CP) sa loob ng piitan si Pharmally director Linconn Ong.
Ayon kay Gordon, idinaan ng kasabwat ni Ong ang gadget sa pamamagitan ng inorder na pizza at sandwich.
Dismayado ang senador sa ginawa ng opisyal ng Pharmally, lalo’t pinapayagan naman itong gumamit ng CP sa loob ng kulungan, lalo na kung tatawag sa pamilya at abogado.
“This just shows how imaginative and innovative this guy could be. It was found in his room,” wika ni Gordon.
Agad namang humingi ng paumanhin si Ong.
Nagawa lang daw niya iyon dahil sa pananabik sa kaniyang pamilya na makausap sana ng madalas.
Una nang inaresto si Linconn dahil sa kabiguang sumagot ng direkta sa mga tanong ng mga senador ukol sa multi billion deal sa PS-DBM, ukol sa mga biniling personal protective equipment para sa frontline health workers.