Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hinihintay na lamang ng gobyerno ng Pilipinas ang pagtatapos ng imbestigasyon sa insidente at ang pagpapalabas ng mga kinakailangang papeles para maproseso nito ang pagpapauwi sa mga labi ng napatay na manggagawang si Marjorette Garcia.
Ayon kay DFA Asec. Paul Cortes, patuloy na ang koordinasyon sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Saudi matapos ang pagkamatay ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nasawi.
Matatandaan na natagpuan ng mga awtoridad ng Saudi na puno ng dugo at may ilang mga saksak sa kanyang katawan si Garcia.
Dagdag niya na nahuli na rin ang suspect ng karumal dumal na krimen at patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa mga isasampang kaso.
Sinabi ni Cortes na ang salarin na isang dayuhan, ay pinaniniwalaang katrabaho rin ni Garcia sa Saudi Arabia.
Dagdag ni Cortes na sa ngayon nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya ni Garcia at sa kanyang recruitment agency kasunod ng naturang insidente.