Muling ini-activate ng Philippine Embassy to Israel ang pagbibigay ng psychosocial support sa mga Pinoy na nangangailangan nito, sa gitna ng nagpapatuloy na palitan ng airstrike ng Israel at Iran.
Ayon kay Ambassador Aileen Mendiola-Rau, sa exclusive interview ng Bombo Radyo, dati na nila itong ginagawa ngunit sa mga nakaraang pagkakataon ay madalang na ang mga request para sa nasabing serbisyo.
Pero dahil sa mas agresibong pag-atake ng Iran at mayroon pang mga kababayan nating direktang naapektuhan ng mga pagsabog, minabuti nilang paigtingin pa ang ganitong tulong para sa mga nangangailangan.
Una rito, may Pilipinong nakaligtas matapos magtago sa isang bomb shelter nang tumama ang missile sa kanyang tirahan.
Dahil sa pinsala sa kanyang bahay, siya ay pansamantalang inilipat sa isang hotel sa Tel Aviv.
Bukod dito, may iba pang mga tulong na available mula sa embahada para sa nakaranas ng trauma na dulot ng giyera.
Ang embahada ay patuloy na nananawagan sa mga Pilipino sa Israel na manatili sa mga ligtas na lugar tuwing may missile alert.