Umaasa si Philippine Football Federation (PFF) president Mariano “Nonong ” Araneta na makakuha ng tulong pinansiyal sa gobyerno ang Philippine women’s national football team na Filipinas.
Ang nasabing panawagan ay dahil sa nalalapit na pagsabak ng Filipinas sa FIFA Women’s World Cup sa buwan ng Hulyo sa New Zealand.
Sinabi pa ni Araneta na mula ng ma-qualified ang Filipinas ay nagsimula na ang kanilang paghahanda para sa Asian Cup noong Enero ng nakaraang taon kung saan nagsagawa pa sila ng training camp sa US.
Nagtungo pa ang koponan sa India at nagsagawa ng mga friendly matches subalit wala pa rin silang nakuhang tulong sa gobyerno.
Huling pagkakataon ng makakuha sila ng tulong ay noong nakaraang taon ng maging host sila ng AFF Women’s Championship kung saan nagkampeon sila.
Nagkakahalaga umano ito ng P10 milyon subalit higit pa ang kanilang nagastos at labis na ang pasasalamat nila dahil sa may ibinigay na pondo rin ang FIFA at ASEAN.
Patuloy ang pagkatok nila sa Philippine Sports Commission na kung maari ay mabigyan sila ng pondo dahil sa makasaysayan ang gagawin laro ng Filipinas.