-- Advertisements --

VIGAN CITY – Muling nanindigan si PDP-Laban (Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan) President Sen. Koko Pimentel na ang kanilang party nominee sa House speakership race na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang dapat na maupong House Speaker o ‘di kaya naman ay maunang maupo sa term-sharing sa pagitan nila ni Taguig- Pateros Rep. Allan Peter Cayetano.

Ito ay kahit na inendorso na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Cayetano bilang House Speaker ng 18th Congress at kahati nito sa termino si Velasco.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Pimentel, naniniwala ito na si Velasco ang gusto ng mayorya ng Kamara na maging House Speaker kaya bilang pagrespeto sa kagustuhan ng mga kongresista at sa utos mismo ni Pangulong Duterte na term-sharing, marapat lamang na ang kanilang party nominee ang maunang magsilbi bilang House Speaker.

Nauna nang inihayag ng senador na bukas sila sa mungkahing term-sharing upang matapos na ang nasabing isyu.

Kasabay nito ay sinabi ng opisyal na kung gusto ng dating kasamahan sa Senado na maging House Speaker, kailangan nitong pagtrabahuang maigi at makuha ang pulso ng mayorya ng mga kongresista.

Sa kasalukuyang tala ng Kamara, mayroong 41 kongresista na miyembro ng Nacionalista Party ni Cayetano samantalang ang PDP- Laban ay mayroong kabuuang bilang na 85 na miyembrong kongresista.