-- Advertisements --
boya

Pinabulaanan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ulat ng China na tinanggal umano ng Chinese maritime militia ang lahat ng 10 navigational boya na inilagay sa may West Philippine Sea.

Ayon kay PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na nananatiling intact at naka-posisyon ang lahat ng boya na nasa WPS.

Base kasi sa ulat ng Chinese news agencies, tinanggal umano ng mga mangingisdang Tsino ang mga boya na inilagay sa Kalayaan Group of Island na nasa loob ng 220 nautical mile ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Sa report noong May 18 mula sa kumpanyang nakabase sa Beijing, iniulat nito na sa ilalim ng proteksyon ng Chinese coast guard boats, tinanggal ang mga boya na dineploy ng Pilipinas.

Nag-ugat ang tensiyon noong huling bahagi ng Mayo matapos na kapwa naglagay ang panig ng Pilipinas at China sa ilang navigational boya sa pinagtatalunang karagatan.

Kamakailan, karagdagang limang boya ang inilagay ng Philippine contingent sa may WPS na mayroong nakamarkang watawat ng Pilipinas kabilang dito ang Patag (Flat) island, Kota island, Panata island, at fishing grounds ng Balagtas Reef at Julian Felipe Reef.

Una ng nagbabala ang mga awtoridad ng Pilipinas ng serious repercussions kapag natanggal ang mga boya na inilagay sa EEZ ng Pilipinas.