-- Advertisements --

Tututukan ng administrasyong Marcos ang pagprotekta sa 6.5 milyong Pilipinong nakaahon sa kahirapan at pagpapalakas sa middle class sa pamamagitan ng mas maraming trabaho, mas mataas na kita at mas mababang gastusin.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, ito ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos bumaba ang poverty incidence mula 15.5% noong 2023 sa 9.7% noong 2025. Dahil dito, bumaba rin ang bilang ng mahihirap mula 17.5 milyon tungo sa 11 milyon.

Gayunman, sinabi ni Recto na hindi dapat maging kampante ang pamahalaan dahil maaaring maapektuhan ang presyo ng pagkain at gasolina, trabaho at ekonomiya ng mga krisis sa Middle East at climate disruptions.

Kabilang sa mga hakbang ng gobyerno ang pagpapabilis ng mga infrastructure project na lilikha ng trabaho at magpapababa ng logistics costs, gayundin ang mga panukalang magpapababa sa buwis at gastusin ng mga pamilya.

Kasama rito ang pagtataas ng income tax exemption sa P350,000 kada taon, tax amnesty, pagtanggal ng travel tax at mga pagbabago sa EPIRA upang hindi maipasa sa consumers ang system loss charges.

Itinutulak din ng administrasyon ang Sariling Kuryente Act para gawing mas madali at mura ang paggamit ng solar at battery systems sa mga tahanan.

Ayon kay Recto, layunin ng mga hakbang na hindi lamang bawasan ang kahirapan kundi palakihin at patatagin ang middle class ng bansa.