-- Advertisements --

Ipinauubaya na ng Malacañang kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na alamin ang katotohanan sa nabulgar sa Senado na umano’y umiirral na “pastillas scheme” sa immigration sa airport.

Lumabas sa pagdinig ng Senado na ang mga Chinese nationals umano na pawang mga POGO workers ay binibigyan ng special treatment ng Immigration personnel kapag dumarating sa paliparan ng bansa kapalit nito ang P10,000 suhol na nakabilot sa papel na mistulang pastillas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat ay hindi lamang ang regular na trabaho ni Commissioner Morente ang ginagawa nito kundi dapat ay inaalam din nito ang mga sumbong ng anomalya o iregularidad sa kanyang mga nasasakupan.

Ayon kay Sec. Panelo, walang pwedeng gawin sa ngayon ang Malacañang dahil wala namang reklamong idinudulog sa kanila.
Kailangan daw umano may basehan munang panghawakan ang Malacañang bago sila mag-imbestiga.
Hindi naman matiyak ni Sec. Panelo kung alam na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anomalya sa Immigration at kung may nakapagsabi na sa kanya.
Pero makakaasa raw na walang sisinuhin kapag napatunayang may nagkulang at nakinabang sa nasabing anomalya.