Bumaba ng 72-percent ang bilang ng mga biyaherong pumasok sa bansa mula Enero hanggang Setyembre sa harap pa rin ng COVID-19 pandemic, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, 893,886 biyahero lamang ang pumasok sa bansa sa unang siyam na buwan ng 2021.
Mas mababa ito kumpara sa 3.2 million na biyahero na dumating sa bansa sa kaparehong period noong 2020.
Lubhang mas mababa rin ito kung ikukumpara naman sa pre-pandemic figures na pumalo sa 12.6 million arrivals pagsapit pa lang ng third quarter.
Ayon kay Morente, ang mababang bilang ng mga pumapasok na biyahero sa Pilipinas ay bunsod ng daily cap sa passenger arrivals at travel restrictions.
Samantala, sinabi rin niya na 1.1 million travelers ang umalis sa Pilipinas sa unang tatlong quarters ng taon, kumpara sa 3.6 million noong 2020.
Ang bulto sa mga biyaherong ito ay pawang mga overseas Filipino workers pati na rin mga foreigners na babalik na sa kanilang home country.










