-- Advertisements --

Nagpulong muli ngayong araw ang buong Party-list Coalition Federation Inc. (PCFI) para pagdesisyunan na kung sino ang kanilang susuportahang contender sa Speakership race.

Idinaraos ng PCFI ang meeting sa Marco Polo Hotel sa Ortigas, isang araw matapos na ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang term sharing nina Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco sa speakership post.

Nauna nang sinabi ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin na ang pulong ngayong araw ay para sana bigyan ng pagkakataon si Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab na maiprisinta ang kanyang legislative programs.

Si Ungab ay kandidatong inendorso ng Duterte Coalition na binuo naman ng anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Rep. Paolo Duterte.

Nauna nang sinuyo ng iba pang Speaker aspirants ang PCFI para sa kanilang boto dahil malaki ang numerong hawak ng grupo.

Sa darating na 18th Congress, 54 kongresista ang bumubuo sa PCFI.