Hinimok ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang mga kapwa niya kongresista na aprubahan na sa lalong madaling panahon ang Faster Internet Services Act (FISA).
Ito ay matapos na aprubahan ng House Committee on Information and Communications Technology ang substitute bill para sa naturang panukalang batas ngayong araw.
Para makapagsabayan sa ibang mga bansa, sinabi ni Biazon na marapat lang na magkaroon na rin ng update ngayon sa kalidad ng internet serice sa Pilipinas.
Sa oras na maging ganap na batas, sinabi ni Biazon na matitiyak na hindi bababa sa 10 megabits per second (Mbps) ang internet speed sa mga highly urbanized cities, 5 Mbps sa iba pang mga lungsod, at 2 Mbps naman sa mga rural areas.
Magiging mas mahigpit na aniya kasi dahil sa hindi na papayagan ang “marketing gimmick” ng mga telco at ISP na nangangako ng mabilis na internet speed.
“Telcos and ISPs would be required to deliver at least 80% of advertised broadband speed to their subscribers at least 80% of the time,” ani Biazon.
Oobligahin din nito ang mga telcos at ISP na sumunod sa iba pang service standards na itinatakda ng National Telecommunications Commission (NTC)
Ang mga service providers na bigong maibigay sa kanilang mga customers ang ipinangakong minimum broadband speed at service standards ng NTC ay pagmumultahin ng P2 million sa bawat bilang ng paglabag.
Ang naturang multa ay 10,000 mas mataas kumpara sa P200 per day na ipinapataw sa ngayon.










