-- Advertisements --

Aprubado na ng Kamara ang panukalang i-ban ang e-sabong sa bansa dahil sa masamang epekto nito sa mga mamamayan.

Sa botong 176 inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 11254.

Ayon kay CIBAC PL Rep. Bro. Eddie Villanueva, isa sa may-akda ng panukala naging saksi siya kung papaano sinira ng e-sabong ang buhay ng maraming Pinoy at kanilang pamilya.

Sinabi ng kongresista ang pagbabawal sa e-sabong ay hindi lamang legal, kundi usaping moral.

Binigyang-diin ni Villanueva hindi dapat na hayaan na manaig ang pera at kasakiman, habang maraming tao ang nagdurusa at nalululong sa sugal.

Sa sandaling maging ganap na batas ang House Bill, lahat ng permit na ibinigay na Pagcor ay idedeklarang “null and void” at aatasan ang lahat ng law enforcement at cybercrime agencies na lansagin ang lahat ng e-sabong platform.

Ang mga magtatangkang mag-operate sa e-sabong kahit ban na ay maaaring makulong ang operators ng hanggang 20 taon at pagmumultahin ng hanggang P20 million.