-- Advertisements --

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng krisis sa Middle East, inihain ni Senator Bam Aquino sa Senado ang isang panukala na naglalayong ibaba ang value-added tax o VAT mula 12% tungo sa 10% sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo.

Layunin ng panukalang batas na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng bilihin sa mga konsyumer, lalo na sa tinaguriang “middle class” na hindi kabilang sa mga direktang benepisyaryo ng ayuda ng pamahalaan.

Ayon sa Aquino, ang pagbawas sa VAT ay maaaring magresulta sa mas mababang presyo ng mga pangunahing bilihin, na magbibigay ng dagdag na kakayahan sa mga pamilya na matustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Batay naman sa pagtataya ng Department of Energy (DOE), maaaring tumagal ng anim na buwan hanggang isang taon ang epekto ng kasalukuyang krisis sa presyo ng produktong petrolyo, na may direktang epekto sa transportasyon, produksyon, at presyo ng pagkain.

Sa ilalim ng panukalang Senate Bill No. 2047, inaasahang mas maraming kita ang mananatili sa mga sambahayan, na maaari nilang gamitin sa iba pang pangangailangan—na maaari ring magpasigla sa ekonomiya at makatulong sa pagpapanatili ng mga trabaho.

Gayunman, binigyang-diin din ni Aquino ang kahalagahan ng maayos na pangongolekta at paggamit ng buwis upang matiyak na hindi masasayang ang pondo ng pamahalaan at mapupunta ito sa mga programang tunay na makikinabang ang publiko.

Sa ngayon, inaasahang tatalakayin pa sa Senado ang naturang panukala bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin.