Humingi ng suporta si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kongresistang dumalo sa hapunan na kanyang inihanda sa Malacanang na suportahan ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Sen. Bong Go para sa halalan sa susunod na taon.
Sinabi ito ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Michael Aglipay, na dumalo rin sa naturang dinner kagabi.
Si Duterte-Carpio ay tatakbo sa pagka-bise presidente, habang si Go naman ay presidential candidate.
Ayon kay Aglipay, noong Lunes ay may komunikasyon ang Palasyo sa opisina ni House Speaker Lord Allan Velasco para imbitahan ang mga kongresista sa isang dinner sa Malacanang.
Sa kanyang tantya, nasa 95 kongresista ang pumunta sa naturang dinner at lima naman mula sa listahan ng mga imbitado ang hindi nakapunta.
Ang mga kongresistang dumalo sa dinner ay mula sa iba’t ibang mga partido.










