-- Advertisements --

Naghain ng mosyon ang mag-asawang Celia at Cesar Veloso sa Kataas-taasan Hukuman ngayong araw para sa kanilang nakadeteneng anak na si Mary Jane Veloso.

Personal na nagtungo ang pamilya Veloso sa Korte Suprema, kasama kanilang abogado upang pormal na isumite at idulog ang kanilang kahilingan.

Layon sa kanilang ‘Motion to Resolve’ na himukin ang Kataas-taasang Hukuman na aksyunan ang naunang petisyon Habeas Corpus na inihain noon pang Nobyembre sa nakaraang taon.

Sa naturang ‘Habeas Corpus Petition’ ay dito kanilang kinuwestyon ang patuloy na pagkakadetene ni Mary Jane Veloso sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.

Ayon sa nanay ni Mary Jane na si Celia Veloso, hindi aniya sila magsasawang iparating sa Korte Suprema na ang kanilang anak ay inosente at biktima lamang.

Masakit raw bilang ina na makita ang anak sa loob ng piitan nang wala umanong kasalanan kung kaya’t nais nitong makalaya na si Mary Jane Veloso.

Ayon sa abogado ni Veloso na si Atty. Kathy Panguban, kalakip ng mosyon ang sulat-kamay na liham ni Mary Jane para kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo.

Nakapaloob aniya rito ang panawagan na aksyunan ang petisyon upang matukoy kung may sapat na batayan ang kanyang pagkakadetene sa Mandaluyong.

Bukod sa Korte Suprema, nananawagan rin ang pamilya Veloso kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tuluyan nang igawad ang matagal ng hinihiling ‘executive clemency’.

Dahil rito’y emosyal pang iniulit ni Celia Veloso ang kahilingan sa pangulo na pakinggan ang kanilang panawagan upang tuluyang makasama na ang anak.

Umaasa ang pamilya Veloso na mapapansin ang kanilang hiling kasabay sa papalapit na selebrasyon ng ‘Mother’s Day’ sa darating na linggo.