-- Advertisements --

Sumabak na agad sa pre pageant activity ng Miss Universe Philippines ang pambato ng Sorsogon na si Maria Isabela Galeria.

Ito’y kasunod ng kaniyang paggaling matapos tamaan ng coronavirus disease (COVID) na kaniyang kinompirma mismo noon, kasabay ng pagsailalim sa 14-day quarantine period.

Kabilang ang 22-anyos na si Galeria sa tumanggap ng certificate mula sa Sorsogon Provincial Information Office na nagsasabing negatibo na siya sa virus.

Si Galeria ay isang aktibong nurse sa kanilang bayan sa Bicol at sinasabing isa sa mga paboritong manalo sa first ever Miss Universe Philippines na gaganapin sa darating na October 25 sa MOA Arena.

Sa report ng Bombo Radyo Legazpi, kabilang ang Sorsogon bet sa Top 15 ng Binibining Pilipinas 2019 pageant at muli tatangkaing masungkit ang Miss Universe Philippines title sa finals night.