-- Advertisements --

Pinanindigan ng Malacañang ang nakasaad sa “Bayanihan to Heal as One Act” na mapapaso lamang ang batas na ito makalipas ang tatlong buwan makaraan itong maging isang ganap na batas.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa gitna ng pahayag ng mga mambabatas na nagpaso na ang naturang batas kasabay ng pagtatapos ng sesyon ng Kongreso noong Mayo 5.

Sinabi ni Sec. Roque, nakasaad sa Section 9 ng batas na hanggang tatlong buwan epektibo ang Bayanihan Act. Marso 24 nang lagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at Marso 25 nang opisyal itong mailathala sa mga pahayagan.

Ayon kay Sec. Roque, ibig sabihin ay hindi maapektuhan ang mga pondong nasa ilalim nito at magpapatuloy lamang ang pamamahagi ng ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP) sa oras na matapos na ng DSWD ang beripikasyon sa pangalan ng mga benepisyaryo.

Ito rin umano ang dahilan kung bakit walang nakikitang urgency ang Malacañang sa kasalukuyan na maipasa ang panukalang batas na naglalayong palawigin ang batas dahil hanggang June 25 pa naman ito epektibo.

Muli ring iginiit ng Palasyo na nagamit na ni Pangulong Duterte ang mga special powers na ipinagkaloob sa kanya ng Kongreso.