Pinaiimbestigahan ngayon sa Kamara ang posibleng pagtaas ng singil ng mga bangko sa ‘interbank withdrawals” at balance inquiry ng automated teller machines (ATM).
Sa ilalim ng House Resolution 210 na inihain ni Makati City Rep. Luis Campos, inaatasan nito ang House Committee on Banks and Financial Intermediaries na silipin ang pinangangambahang paglobo ng ATM fees sa 50-percent.
Nabatid na nitong July 19 ay naglabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng memorandum na nag-aalis sa moratorium ng dagdag na singil sa mga ATM fees.
Ayon kay Campos, tiyak na maapektuhan ang nasa 58-million ATM cardholders, lalo na ang nasa 4.1-million na minimum wage earners oras na magmahal na ang singil sa kada transaksyon ng ATM.
Sakaling maipatupad ang gusto ng mga bangko, inaasahan na aakyat sa P15 hanggang P30 ang single interbank withdrawal transaction fee mula sa kasalukuyang P10 hanggang P15.










