Hindi umano katanggap-tanggap ang recruitment o paghikayat ng New People’s Army (NPA) ng mga child warriors para iharap sa mga sundalo.
Ito ang binigyang-diin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasunod ng pagkamatay ng katutubong child warrior sa engkuwentro sa Lianga, Surigao del Sur nitong nakaraang linggo.
Ang 12-anyos na babaeng child warrior ay kabilang sa tatlong NPA na nasawi sa naturang sagupaan.
Sinabi ni Lorenzana na bilang isang ama, nakalulungkot na humantong ang pakikipaglaban ng NPA sa pagkamatay ng isang bata.
Tanong ng kalihim, bakit patuloy na nagre-recruit ng mga bata ang NPA gayong nalalagay lang ito sa panganib?
Nabatid na ipinagbabawal sa buong mundo sa ilalim ng probisyon ng International Humanitarian Law ang paggamit ng mga bata sa armadong pakikibaka.










