-- Advertisements --

Hinimok ni Sen. Bong Go ang mga Pilipino na manatiling alerto at seryosong sundin ang mga health protocols, gaya ng tamang pagsusuot ng face mask, social distancing, madalas na paghuhugas ng kamay at iwasang pagbibiyahe kung hindi naman mahalaga.

Ginawa ni Sen. Go na siya ring chairman ng Senate Committee on Health and Demography ang apela matapos ibalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.

“Habang wala pang bakuna at gamot na available laban sa COVID-19, pinakamabisa pa ring paraan upang hindi mahawaan ng sakit ay ang pagsunod sa mga health protocols. Ito ay ang wastong paggamit ng mask, paghugas ng kamay, pag-practice ng social distancing at hindi paglabas ng bahay kung hindi kinakailangan,” ani Sen. Go.

Sinabi ni Sen. Go, hindi kaya ng gobyernong mag-isa ang laban kontra pandemya at hindi rin kakayanin ng ating mga medical frontliners kung patuloy na dadami ang kailangang dalhin sa mga ospital.

Ayon kay Sen. Go, huwag ng hintaying magkasakit at simulan ang pagpigil ng pagkalat ng COVID-19 sa mga tahanan sa pagiging responsableng mamamayan.

Umapela rin ang senador sa publiko na magpakita ng suporta at simpatiya sa mga frontliners sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinaiiral na health protocols.

“Frontliners ang inaasahan natin ngayon dahil sila ang mas nakakaalam, kaya suportahan natin sila sa pamamagitan ng pagiging responsableng mamamayan at pagsunod sa mga patakaran,” dagdag ng senador.