-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Mariing kinondena ni Cotabato Vice-Governor Emmylou ”Lala” Taliño Mendoza at nang sangguniang panlalawigan ang pamamaril patay kay Libungan Mayor Christopher ”Amping” Cuan at sa kanyang driver na si Edwin Ihao.

Sinabi ni Mendoza na ang pagkamatay ni Mayor Cuan ay hindi lamang naulila ang kanyang pamilya ngunit ang kanyang mga nasasakupan sa bayan ng Libungan na umaasa sa kanyang pamumuno.

Nanawagan ang mga miyembro ng sangguniang panlalawigan-Cotabato para sa isang mabilis at masusing pagsisiyasat upang makamit ang hustisya para sa alkalde.

Dagdag ng bise-gobernadora, dapat manatiling mahinahon ang lahat ngunit kailangan ang mahigpit na pagtutulungan upang malutas ang kasong ito.

Ang buong SP-Cotabato ay nakikiramay sa pamilya, mga kaibigan at kamag-anak ng alkalde.

Ikinalungkot ni Mendoza ang sinapit ni Mayor Cuan at umaasa na mananagot sa batas ang mga salarin.