Pinagtibay na ng House of Representatives ang panukala para sa pagtatayo ng evacuation centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa.
Nasa 307 mambabatas ang pabor at isa ang hindi pabor, inaprubahan na ng Kamara ang House Bill 7354 na isa sa mga priority bills ng Mababang Kapulungan.
Sa nasabing panukala, isinusulong ang pagtatayo ng evacuation centers ang lahat ng 1,488 municipalities at 146 cities sa buong bansa.
Layon nito na maiiwasan na ang paggamit sa mga eskwelahan bilang evacuation center.
Magiging katuwang ng National Dissasster Risk Reduction Management Council ang local government na siyang tutukoy sa mga lugar na bibigyang prayoridad sa pagpapatayo ng evacuation center.
Ibabatay ito sa kung gaano kadalas tamaan ng kalamidad ang lugar at dami ng tao na nadi-displace sa nakalipas na tatlong taon.
Habang DPWH naman ang mangunguna sa pagpapatayo ng evacuation center na dapat ay kayang lagpasan ang bagyo na may lakas ng hanging hindi bababa sa 300kph at magnitude 8 na lindol.
Mga facilities na mayruon ang isang evacuation center ay ang mga sumusunod: sleeping quarters; shower at toilet facility para sa babae at lalaki; PWD friendly amenities; isolation o quarantine facility; prayer room at iba pa.