-- Advertisements --

Pagbobotohan pa ng House committee on good government and public accountability ang paglalabas ng subpoena para kay Pharmally Pharmaceutical Corp. executive Krizle Mago.

Sinabi ito ng chairman ng komite na si DIWA party-list Rep. Micheal Aglipay matapos na bigong sumipot sa kanilang pagdinig ngayong araw hinggil sa kontrobersiyal na personal protective equipments (PPEs) na binili ng pamahalaan noong nakaraang taon.

Ayon kay Aglipay, nagpadala sila ng imbitasyon kay Mago para sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon ngayong araw subalit hindi naman ito sumipot.

Kahapon, sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Richard Gordon na hindi na nila ma-contact si Mago dalawang araw matapos itong humarap naman sa kanilang pagdinig.

Sa pagdinig ng Senado noong Biyernes, inamin ni Mago na inatasan siya na sabihin sa Pharmally warehouse staff na palitan ang production certificates para sa mga face shields na idi-deliver sa pamahalaan.

Samantala, sinabi ni Aglipay na susulat sila sa liderato ng Senado para padaluhin naman si Pharmally Pharmaceutical Corp. director Linconn Ong kahit sa pamamagitan lamang ng video teleconferencing.

Sa ngayon, nanatili si Ong sa Senado matapos siyang ipa-contempt noong nakalipas na linggo.