Hindi ikinatuwa ni Vice Pres. Leni Robredo ang ginawang pag-anunsyo sa publiko ni Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) chairman Aaron Aquino hinggil sa paghingi nito ng listahan ng drug high-value targets.
Iginiit ng pangalawang pangulo, na umuupo rin ngayon bilang ICAD co-chairperson, na sinusunod lang niya ang itinalagang trabaho sa kanya ng pangulo.
“Inatasan ako maging co-chairman ng ICAD. Hindi ko naman ito hiningi. Pero dahil inatasan ako—at lahat ng nakakakilala sa akin, kilala ako na wala tayong inuurungan—maliit man o malaki iyong responsibility, kinukuha natin. Mahirap man o madali, kinukuha natin iyon,” ani Robredo sa kanyang Sunday radio program.
Ayon kay Robredo, hindi patas na sa publiko sinagot ni Aquino ang request na pribado niyang hiniling.
Lalo na’t makailang beses na rin siyang binatikos ng mga kritiko hinggil sa pagbibigay ng pahayag sa media tungkol sa mga issue ng administrasyon.
“Actually, iyong paghingi ko ng listahan, Ka Ely, private na communication iyon ng opisina namin kay Chairman Aquino. Private communication; dapat sana sinagot na lang nila na ayaw nilang… ayaw nilang ibigay. Pero sinabi sa media. Eh sino iyong pumupunta sa media?”
“Hindi namin hiningi, na ginagamit namin iyong media, iyong listahan ng high-value targets. Hindi nga namin ini-announce sa media na humihingi kami nito. Nasa private communication ito, copy furnished iyong mga agencies—iyong law enforcement agencies—para magkaroon kami ng maayos na database. Imbes na sagutin tayo, sagutin iyong ating sulat, sumagot sa media.”
Para kay Robredo, si Pangulong Rodrigo Duterte ang dapat mag-desisyon hinggil sa kanyang mga gagawin ng tulong bilang co-chair ng ICAD.
“Eh kung ayaw mag-cooperate (ng agencies), tingin ko dapat si Pangulo iyong magdesisyon noon. Kasi iyong pag-atas naman sa akin, dapat magtutulungan kami—at ako, ginagawa ko iyong lahat para makipagtulungan. In fact, iyong lahat na mga nangyayari sa meetings, iyong lahat na mga recommendations, sinusulat natin sa kaniya. Nasa sa kaniya iyon.”