-- Advertisements --

Nilamon ng malalaking pitak ng bato at yelo mula sa Birch Glacier ang Blatten, isang village sa Lötschental Valley, Switzerland matapos gumuho ang isang parte ng bundok sa lugar.

Ayon sa mga awtoridad, 90% ng village ay nawasak kasabay pa nito ang pagbara ng ilog na nagdulot ng panganib ng pagbaha dahil sa naipong tubig.

Una nang sinabi ng mga awtoridad na 300 sa mga residente ang kanila nang nailikas kasabay ang mga alagang hayop matapos mapansin ang mabilis na paggalaw ng glacier.

Batay sa ulat isang 64-taong gulang na lalaki ang nawawala, at kasalukuyang nagsasagawa ang mga awtoridad ng search and rescue operations gamit ang drone na may thermal camera.

Samantala naka-alert na ang military forces ng Switzerland para tumulong sa mga posibleng operasyon ng paglilinis at pagsalba ng buhay sa lugar.

Sa isang press conference, sinabi ni Swiss Environment Minister Albert Rösti na ang insidente ay isang hindi pangkaraniwang kaganapan at nangakong tutulungan ng gobyerno ang mga residenteng nawalan ng tahanan.

Nababahala naman ang Swiss glaciologists ukol sa epekto ng global warming na ayon sa mga ito patuloy na bumibilis ang pagtunaw ng mga glacier kung saan 4% ng glacier volume ang nababawas sa bansa noong 2023, matapos ang 6% na pagbaba nito noong taong 2022.