Posibleng sa unang bahagi ng susunod na taon pa magiging available sa mga botika ang ilang COVID-19 vaccines sa oras na mabigyan sila ng full approval ng Food and Drugs Administration, ayon kay FDA director general Eric Domingo.
Sinabi ng John Hopkins Medicine na ang full approval ay ibinibigay kapag makakuha ng sapat na scientific evidence ang FDA na susuporta sa paggamit ng COVID-19 vaccines.
Sa mga ebidensyang ito ay dapat makita ang mga benepisyo ng bakuna ay mas matimbang kaysa mga risks na mayroon ito, at ang mga bakunang ito ay ma-manufacture nang ligtas at sa consistent na kalidad.
Sa kasalukuyan, siyam na vaccine brands na ang binigyan ng FDA ng emergency use authorization, na kinabibilangan ng Pfizer-BioNTech (Comirnaty), AstraZeneca, Sinovac (CoronaVac), Gamaleya Institute (Sputnik V), Johnson & Johnson (Janssen), Bharat Biotech (Covaxin), Moderna, Sinopharm, at Novovax (Covovax).
Sa ilalim ng EUA, tanging ang gobyerno ang makakabili ng mga bakuna habang ang mga kompanya naman ay maari ring bumili pero sa ilalim ng tripartite agreement.
Agosto nang bigyan ng United States ng full authorization ang Pfizer, pero dito sa Pilipinas ay hindi pa nakakapag-apply ang naturag kompanya.









