-- Advertisements --

Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pinalawig na intelligence monitoring sa mga sikat na online gaming applications tulad ng Roblox upang mapigilan ang lumalalang banta ng child exploitation sa bansa.

Direktang inutos ni Nartatez sa PNP – Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang pagbabantay sa mga gaming activities sa internet.

Ito ay matapos makatanggap ng mga babala ang mga awtoridad na ginagamit ng mga kriminal ang mga nasabing plataporma upang makipag-ugnayan at pagsamantalahan ang mga menor de edad na manlalaro.

Ayon sa hepe ng pambansang pulisya, labis nilang ikinababahala ang sitwasyon dahil sa bulto ng mga batang madaling ma-access ang mga naturang aplikasyon.

Upang palakasin ang kampanya, nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Layunin ng koordinasyong ito na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at matukoy ang mga nasa likod ng mga iligal na aktibidad na nakakubli sa mga online games.

Ang hakbang ng PNP ay direktang tugon sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang mga polisiya upang mapanatiling ligtas ang mga komunidad at ang cyberspace para sa mga kabataang Pilipino.