Nilinaw ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman at Manila Rep. Joel Chua na ang nakatakdang pagdinig sa Abril 14 para sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ay limitado lamang sa mga clarificatory question at hindi isang ganap na paglilitis.
Ayon kay Chua, ang proseso sa Kamara ay bahagi pa lamang ng preliminary investigation.
Binigyang-diin ng Kongressista na walang magaganap na cross-examination sa yugtong ito dahil ang naturang proseso ay eksklusibong ginagawa sa Senado.
Paliwanag ni Chua, ang paggamit ng terminong ‘mini-trial’ ay simpleng paglalarawan lamang.
Inimbitahan sa nasabing pagdinig ang ilang mahahalagang resource persons, kabilang ang mga opisyal mula sa Commission on Audit (COA), Bureau of Internal Revenue (BIR), NBI, SEC, at si Ramil Madriaga na itinuturong “bagman” umano ng Bise Presidente.
Layunin ng pagpatawag sa mga testigo na matiyak ang awtentisidad ng mga pirma at affidavit na isinumite sa komite.
Inihalintulad ni Chua ang papel ng komite sa isang prosecutor na nagtatasa kung may sapat na basehan ang mga alegasyon upang ituloy ang kaso.
Sa kabila nito, tiniyak ng mambabatas na iginagalang ang due process at binibigyan ng sapat na pagkakataon ang panig ng Bise Presidente na makasagot sa ilalim ng mga panuntunan ng Konstitusyon.















