Umapela ang grupo ng magsasaka na Federation of Free Farmers (FFF) sa administrasyong Marcos na muling buhayin ang pre-shipment at discharge port inspection systems upang matuldukan na ang laganap na smuggling ng agricultural goods sa bansa.
Ginawa ng grupo ang naturang apela upang mapigilan ang malawakang agricultural smuggling, mawaksan ang price manipulation at matiyak na ligtas ang mga inaangkat na pagkain sa bansa.
Ayon kay FFF chair Leonardo Montemayor na makakatulong ang pre-shipment inspection sa pagtugon sa hindi masugpong undervaluation at misdeclaration ng agricultural imports na nagreresulta sa bilyong halaga ng nawawala mula sa nakokolekta ng customs kada taon.
Iginiit din ni Montemayor na nagsilbi ding dating kalihim ng Department of Agriculture na ang smuggling ng farm at fisheries products ay lalo pang lumawak dahil sa paghinto ng monitoring system.
Inirekomenda rin ng grupo ang pagsasabatas o pag-isyu ng isang executive order para bumuo ng isang Inspectorate and Enforcement Service na siyang tutugis sa mga lalabag sa Anti-agricultural Smuggling Act of 2016 at Food Safety Act of 2013.
Ang panawagan ng grupo ay matapos hilingin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr na tumatayong kalihim ng DA ang pagkuha ng isang global provider ng pre-shipment inspection services gaya ng Swiss firm na Societe Generale de Surveillance (SGS).
Kung matatandaan, aabot sa kabuuang P1.5 million ang halaga ng nasabat na smuggled products noong nakalipas na buwan matapos ang ikinasang raid sa isang Cold storage sa Navotas.