Binalaan ng Philippine Medical Association (PMA) ang mga doktor na huwag magbigay ng reseta sa paggamit ng ivermectin sa labas ng mga ospital na binigyan ng compassionate special permits (CSP).
Kasabay nito ay binigyan diin ng PMA na walang sapat na ebidensyang makakapagturo sa ngayon na epektibo ang pag-inom ng naturang gamot kontra COVID-19.
Sinabi ng grupo na maaring maharap sa kaukulang parusa ang sinumang nagbebenta ng anumang gamot na galing sa ibang bansa pero hindi rehistrado sa FDA sa Pilipinas.
Iginiit ng PMA na mayroong “low confidence certainty” base sa pag-aaral ng kanilang infectious medicine specialist sa mga case studies patungkol sa ivermectin bilang potential treatment sa COVID-19.
Kamakailan lang, dalawang kongresista ang nanguna sa pamamahagi ng ivermectin sa Quezon City sa kabila ng mga health agencies.
Sa ngayon kasi, tanging mga topical creams na naglalaman ng ivermectin lamang ang rehistrado sa FDA na gamot na maaring gamitin ng tao, at ito ay para sa treatment sa kuto at rosacea skin ailments.










