-- Advertisements --

Maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kredibilidad ng mga naunang alegasyon ni Orly Guteza ang pagbawi nito sa kanyang pahayag na umano’y naghatid siya ng mga maleta ng pera sa tahanan ni dating House Speaker Martin Romualdez, ayon sa isang public law expert.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Atty. Ariel Inton, sinabi niya na mahalagang matukoy ang dahilan sa likod ng pagbawi ni Guteza, lalo’t kasunod rin ito ng naunang pagbawi ng ilang dating bodyguard ni Zaldy Co sa kaparehong isyu.

Ayon kay Inton, ang sunod-sunod na pagbawi ng mga testigo ay maaaring magdulot ng pagdududa sa kanilang kredibilidad at sa bigat ng kanilang mga naunang pahayag.

“Unang bumawi yung apat na ex-marines, ngayon siya. At itong ginawa na ‘to nila na pagbawi ay habang nakakulong si Sen. Rodante Marcoleta at Mike Defensor sa isang non-bailable case. So talagang panghihinaaan ng loob ang mga ito. Sa katanungan na makakaapekto ba sa kanilang kredibilidad? Aba’y apektadong apektado,” saad ni Inton.

Gayunman, hindi aniya nangangahulugan ang pagbawi ni Guteza na tuluyan nang mawawala ang posibilidad ng mga kaso laban kay Romualdez, dahil maaari pang magkaroon ng iba pang ebidensya o testigong ihaharap laban sa dating House Speaker.

Dagdag pa niya na tanging si Guteza lang ang nakakaalam kung ano ang dahilan at bakit nito nagawang bawiin ang pahayag.

“Kung tinakot ba siya o pinangakuan ng kung ano, siya ang may alam ng katotohanan. at the end of the day,ang sisisihin niya sarili niya dito sa pabagu-bagong pahayag,” dagdag pa nito.

Sa kabilang banda, sinabi ng abogado na kung ang mga naunang alegasyon ang pangunahing sandigan ng isang posibleng kaso, maaaring humina ang kaso sa oras na bawiin ng mga testigo ang kanilang mga pahayag, at maaari itong humantong sa dismissal kung hindi sapat ang ibang ebidensya.