-- Advertisements --
mais

Humihiling ang Philippine Association of Feed Millers (Pafmi) na ipatupad sa bansa ang 5 porsyentong taripa sa mga imported na mais para mapalakas ang lokal na produksyon karne at isda.

Ayon kay Edwin Mapanao, ang presidente ng naturang grupo, ang mais ang pangunahing ginagamit sa produksyon ng pagkain ng mga hayop at isda sa bansa.

Katwiran ni Mapanao, ang pagpapatupad sa mababang taripa na hanggang sa limang porsyentong para sa mais ay magbibigay ng malaking tulong sa industriya na gumagamit sa mais bilang pangunahing sangkap at bilang resulta ay tiyak na tatatag ang local production.

Makikinabang dito aniya ang mga prodyuser ng isda, itlog, karne ng manok, baboy, at iba pa.

Maalalang una nang sinabi ng Department of Agriculture(DA) na mahigit 7 million metriko tonelada ang produksyon ng Pilipinas sa dilaw ng mais.

Gayonpaman, ang kabuuang demand para rito ay tinatayang papalo ng 9.5 milyon metriko tonelada.

Nangangahulugan ito na kailangan ng Pilipinas na umangkat ng humigit kumulang 3 milyong metriko tonelada ng mais para matugunan ang kakulangan.

Bagaman naiintidihan aniya ng grupo ng mga miller ang pag-ayaw ng mga magsasaka sa importasyon, kailangan ding matugunan ang kakulangan ng mais sa bansa, at ang mababang taripa na 5% ay makakatulong, ayon kay Mapanao, upang matulungan ang lokal na produksyon ng iba pang agricultural products.

Sa Pilipinas, nagsisilbing pinakamalaking pinaggagamitan ng produktong mais ay ang produksyon ng pagkain ng mga hayop na umuukupa ng hanggang sa 84%.