-- Advertisements --

Ibinunyag ng isang testigo sa pagdinig ng Sandiganbayan na aabot sa P299 milyong pisong cash na nakasilid lamang sa mga kahon ng grocery ang idineliber umano sa opisina ng isang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa naging testimonya nitong Lunes ni Monica Ocampo-Santos, liaison officer ng contractor na SYMS Construction, idinawit nito si dating DPWH Assistant District Engineer Brice Hernandez.

Ayon sa testigo, ang nasabing halaga ay inilaan para umano sa pagpapatayo ng limang government contracts na napanalunan ng SYMS gamit ang lisensyang ipinahiram sa kanila ni Hernandez.

Nang usisain sa korte kung paano dinala ang napakalaking halaga ng salapi, idinetalye ni Ocampo-Santos ang pamamaraan ng kanilang transaksyon.

Ipinunto rin ni Ocampo-Santos na kabilang sa dinalang P299 milyon ay ang P74 milyon na nakuha umano ni Hernandez mula sa P92.8 milyong pinaghihinalaang ghost project sa bayan ng Pandi, Bulacan.

Ang proyektong ito ang sentro ng kinakaharap na malversation case laban kay dating Senador Ramon Bong Revilla Jr., Hernandez, at lima pang opisyal ng DPWH.

Bilang patunay, nagprisinta rin ang testigo ng mga screenshots ng palitan nila ng text messages ni Hernandez noong Mayo 19, 2025, kung saan kinumpirma nito ang pagdadala ng pera kinabukasan, Mayo 20 ng hapon.