
Ipinagmalaki ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na umabot na sa P1.2 billion ang halaga ng iligal na droga na kanilang nasabat sa loob ng limang buwan.
Ayon kay NCRPO director M/Gen Vicente Danao, ang nasabing accomplishments ay resulta ng 4,618 anti-illegal drug operations na ikinasa mula noong November 11, 2020 hanggang April 15, 2021.
Kasama sa mga nakumpiska ang shabu na 175 kg; 329 kg ng marijuana at 884 tablets at 300 mls ng Ecstacy.
Sinabi ni Danao, nasa 7,941 naman na mga drug suspek ang naaresto ng NCRPO.
Pinapurihan ni Danao ang mga pulis na nasa likod ng operasyon kasabay ng pagtitiyak sa publiko na sa anumang panahon at pagkakataon ay may mga operasyon na isinasagawa ang Team NCRPO tungo sa tahimik, payapa at drug-free Metro Manila.
















