-- Advertisements --

Umapela ang pamunuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa House of Representatives na taasan ang nakalaang pondo ng ahensiya para sa emergency repatriation program sa susunod na taon.

Iginiit ni OWWA Administrator Atty. PY Caunan na sa halip na bawasan ang pondo, mas nararapat na dagdagan pa ito upang mas maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) ang matulungan at mabigyan ng sapat na saklolo sa gitna ng mga krisis sa ibang bansa.

Batay sa panukalang 2027 national budget, bumaba sa P900 milyon ang alokasyon para sa emergency repatriation, mas mababa kumpara sa P1.2 bilyong pondo na ibinibigay taun-taon sa nakalipas na tatlong taon.

Paliwanag ni Caunan, hindi sasapat ang naturang halaga lalo’t patuloy ang pag-aagaw-buhay ng sitwasyon sa Gitnang Silangan at sa iba pang rehiyon kung saan may libu-libong Pilipinong nagtatrabaho na maaaring mangailangan ng agarang pagilikas.

Bunsod nito, pormal na hiniling ng OWWA ang karagdagang P575 milyon para sa kanilang emergency repatriation fund para sa 2027, kasabay ng pag-aming paubos na rin ang kanilang regular repatriation budget dahil sa tuloy-tuloy na pagpapauwi sa mga kababayang naipit sa kaguluhan.

Isinagawa ni Caunan ang apela habang isinasagawa ang deliberasyon ng Mababang Kapulungan sa panukalang badyet ng Department of Migrant Workers (DMW).