Nakatakdang maglunsad ng mas simpleng tracker ng COVID-19 data ang Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay VP Leni, mga datos na galing sa Department of Health (DOH) pa rin ang lalamanin ng tracker, at nakasunod sa standards ng kilalang medical journal na The Lancet.
“Tinitingnan namin iyong mga numero kasi, Ka Ely, kapag tiningnan mo iyong parang data drop ng DOH, kung wala kang tiyaga o hindi mo naiiintindihan, parang numero lang nakikita mo pero hindi mo alam kung ano iyong gustong sabihin,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
“Kapag tiningnan nila, Ka Ely, ito ay depende sa data na nilalabas ng DOH. Wala kaming sariling pangkuha ng data, Ka Ely. So ito lahat, naka-base sa datos ng DOH pero sini-simplify namin. Gustong sabihin, sini-simplify namin pero ginagamit namin iyong international standards.”
Ngayong araw ng Lunes nakatakdang buksan ng tanggapan ng bise presidente ang tracker sa pamamagitan ng Facebook page.
Umaasa si Robredo na makakatulong ang kanilang bagong inisyatibo para sa testing at contact tracing strategy ng local government units.
“Pati iyong testing parang ang sinasabi doon ng Lancet, ang suggested nilang international standard for testing, for every 1 person na nagpa-positive, dapat no less than 20 ang iko-contact trace at saka ite-test.”
“Kapag nakita nila iyong numbers ay maga-guide sila nito. Maga-guide sila kung ilan dapat iyong tina-target nila na contact tracing, ilang dapat iyong tina-target nila na testing. Kasi ito, Ka Ely, iyong international standards.”










