Pinakikilos na ngayon ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Labor Offices (POLO) na alalayan at bigyan ng tulong ang lahat ng mga overseas Filipino Workers (OFWs) sa Japan na apektado ng Typhoon Nanmadol.
Kung maalala, nasa apat na milyong residente ng Japan ngayon ang nasa evacuation centers matapos tumama ang malakas na bagyo.
Sa ngayon, tinatayang nasa 98,000 households sa Kagoshima, Kumamoto, Nagasak at Miyazaki ang nakararanas ng power interruption.
Mahigpit din ang utos ni Ople sa POLO na i-monitor ang kalagayan ng mga OFWs at maging handa sa pagbibigay ng ano mang tulong kung kinakailangan.
Base naman sa impormasyon mula sa POLO-Osaka, sinabi ng DMW na nasa 13,904 OFWs ang accounted at nananatiling ligtas.
Sa naturang bilang, nasa 5,368 OFWs ang nasa Fukuoka, 660 sa Saga, 1,001 sa Nagasaki, 2,520 sa Kumamoto, 1,607 sa Oita, 786 sa Miyazaki at 1,962 sa Kagoshima.
Nakikipag-ugnayan na rin ang POLO-Osaka sa karamihan sa mga employers at supervising agencies ng mga OFWs sa Kyushu.
Hiniling naman ng POLO sa mga employers na i-monitor ang kondisyon ng kanialng mga OFWs.
Samantala, ang POLO-Tokyo na mayroong 22,000 OFWs sa ilalim ng kanilang hurisdiksiyon ay hiondi pa raw nakakatanggap ng ano mang request para sa ano mang tulong.
Pero pinaalalahanan naman nito ang lahat ng mga OFWs, employers at recruitment agencies na i-report ang ano mang typhoon-related incidents na kinasasangkutan ng mga Pilipino.
Sa pinakahuling datos, nasa 70 katao na ang napaulat na sugatan partikular sa Kyushu region dahil sa naturang bagyo.
Papalo naman sa 85,000 travelers ang apektado matapos kanselahin ng Japan Airlines at All Nippon Airways ang mahigit 450 at 370 flights base sa pagkakasunod.
Sa mga OFWs namang nangangailangan ng tulong ay kumontak lamang daw sa mga helpline ng POLO sa kanilang mga area.
Samantala, nagbigay din ng direktiba si Ople sa lahat ng POLO at iba pang labor officials sa Taiwan na magbigay na rin ng tulong at regular updates sa sitwasyon doon matapos ang magkasunod na lindol noong weekend.
Una nang siniguro ni Ople sa 147,000 OFWs sa Taiwan na handa ang DMW na tulungan ang mga quake-affected Filipinos.
Sa pinakahuling datos, wala namang mga Pinoy ang namatay o nasugatan sa naturang pagyanig.
Wala rin umanong report na may mga napinsalang worksites o dormitories ng mga Pinoy doon.